--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagsimula nang magpatubig para sa mga sakahan ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ngayong araw para sa wet crop year 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Micheal Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na dati na silang nagpapakawala ng tubig para sa double dry crop kaya nagdagdag na lamang sila ng volume para sa susunod na cropping season.

Ang inisyal na volume ng tubig na kanilang pinakawalan ay 65 cubic meters per second unti-unti nila itong dadagdagan para maabot ang irrigation diversion requirement para sa main canal.

Sa ngayon ay halos tapos na lahat ng ginagawa nilang irrigation canal maintenance ngunit may ilan pang natitira ay hindi pa apektado ng pagpapawala nila ng tubig dahil may schedule silang sinusundan para sa pagpapatubig.

--Ads--

Tiniyak naman ni Engr. Dimoloy na bago magsimula sa pagtatanim ang mga magsasaka ay napapatubigan na nila ang lahat ng kanilang nasasakupan.

Sa ngayon ay nasa 190.05 meters above sea level ang water elevation ng dam kaya inaasahan na mapatutubigan ang lahat ng sakahan na sakop ng NIA-MARIIS.