CAUAYAN CITY – Nagbawas ng pinapakawalang tubig sa Magat Dam ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).
Mula sa dating dalawang metrong opening sa spillway gate ay ibinaba na lamang ito sa isang metrong opening na mayroong pinapakawalang tubig na 188 cubic meters per second (cms).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA MARIIS, sinabi niya na bagama’t nagbawas na sila ng volume ng gate opening ay tuloy-tuloy pa rin naman ang kanilang pagpapakawala ng tubig dahil sa ngayon ay nasa 190.70 meters above sea level (masl) na ang water elevation ng dam at kailangang mapanatili ang ligtas na antas nito.
Bumaba naman ang water inflow na nasa 250 cms na at patuloy ang pagbaba nito dahil wala naman nang gaanong pag-ulan na naranasan sa Magat Watershed.
Sa nakalipas na mga araw ay nagkaroon ng pag-apaw ng tubig sa mga ilog na nagdulot ng pagbaha sa ilang sakahan na nasasakupan ng Quirino at Roxas, Isabela ngunit nilinaw ni Engr. Dimoloy na hindi ito dahil sa pagpapakawala nila ng tubig sa dam.
Aniya, ang tubig na bumababa sa nagbanggit na mga bayan ay nagmumula sa Siffu River kung saan ang watershed nito ay sa bahagi ng Mountain Province na nakaranas din ng malalakas na pag-ulan sa nakalipas na mga pagkakataon.
Samantala, pinapanatili aniya nila ang 190 masl bilang paghahanda na rin sa second dry cropping season pangunahin na sa prinograma nilang 10,000 hectares na siyang paggagamitan nila ng kanilang 10-20 cms na pinadadaan sa hydro electric power plant.
Ito aniya ay mapapakinabangan ng mga magsasaka sa bayan ng Aurora, San Manuel, Ramon at San Mateo ngunit piling lugar lamang sa mga nabanggit na bayan ang magkakaroon ng second dry crop.