--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinimulan na ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS ang pagpapakawala ng tubig sa mga irigasyon noong nakaraang linggo at unti-unti na nilang dinadagdagan ang out-flow.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS sinabi niya na handa na sila sa pagpapatubig sa mga sakahan para sa dry crop o dry season.

Mauunang mapatubigan ang up stream at susundin nila ang water scheduling at aabutin din ng ilang linggo bago makaabot ang tubig sa mga dulong barangay o Munisipyo hanggang sa mapatubigan na ang lahat ng mga sakahang sakop ng NIA-MARIIS na aabot sa 74,103 hectares.

Aniya, nabigyan naman ng abiso ng kanilang tanggapan ang nasa labing apat na ektarya ng sakahan na hindi sila mapapatubigan ngayong dry season bilang bahagi na rin ng paghahanda ng NIA-MARIIS sa  pinangangambahang EL Niño hanggang sa unang bahagi ng Enero sa sususnod na taon.

--Ads--

Nanatili naman sa normal level ang antas ng tubig sa dam na naglalaro lamang sa 181 meters above sea level.

Pinapayuhan naman nila ang mga magsasaka na makakapansin ng iregularidad o kakaunting patubig upang agad nila itong matugunan.

Nagpaalala rin siya sa mga magsasaka na iwasan ang paghaharang sa mga irrigation canals dahil may kanya-kanya silang schedule at para na rin hindi masayang ang patubig.