
CAUAYAN CITY – Inaasahang mapapatubigan hanggang sa araw ng Biyernes ang mga bukirin na nasasakupan ng NIA-MARIIS matapos simulan noong Lunes ang pagpapadaloy ng tubig sa mga irrigation canal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Engr. Carlo Ablan, Division Chief ng Dam and Reservior ng NIA-MARIIS na naging maayos ang pagpapadaloy nila ng tubig sa mga irrigation canal noong Lunes sa kabila na naitaon sa araw ng halalan.
Sinabi ni Engr. Ablan na mayroon nang tubig sa ilang bahagi ng Aurora, San Mateo, Ramon, Santiago City, Cauayan City at Alicia at bukas ay ang bayan ng Quirino.
Ayon kay Engineer Ablan, mapapatubigan ang mga nasasakupan ng NIA MARIIS hanggang araw ng Biyernes.
Kailangan muna nilang dahan dahanin ang pagpapakawala ng tubig sa mga irrigasyon upang hindi gumuho ang mga natutuyot na daluyan ng tubig.
Inaasahan namang mauunang mapapatubigan ang mga nasa up-stream at sa susunod na Linggo ay mapapatubigan na rin ang downstream hanggang sa mag-full blast na sila sa pagpapatubig.
Hanggang alas singko ng hapon kahapon, ang water elevation ng magat dam ay 189.60 meters at maituturing na mataas ang imbak na tubig.
Nakiusap si Engr. Ablan sa mga magsasaka na sundin ang cropping pattern upang maiwasan ang typhoon month sa buwan ng Oktubre.










