
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng NIA-MARIIS Dam Reservoir Division na may sapat na tubig sa Magat dam na magagamit para sa susunod na cropping season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Engineer Carlo Ablan, Division Manager ng NIA-MARIIS Dam Reservoir Division na hanggang kahapon ng alas sais ng gabi ang Water Elevation ng Magat Dam ay 183.38 meters at may 200 cubic meter per second na inflow o pumapasok na tubig.
Ayon kay Engineer Ablan, may mga nagaganap na pag-ulan sa mga watershed area dahil sa mga nararanasang Thunderstorm at amihan sa mga nakalipas na araw kaya sapat ang tubig.
Noong ikalabintatlo ng Marso ay nag-cut off na sila ng pagpapadaloy ng tubig sa mga irrigation canal upang maisagawa ang kanilang maintenance activity bago ang susunod na taniman.
Sinabi pa ni Engineer Ablan na maaring madagdagan pa ang water elevation ng Magat Dam na magiging sapat sa patubig sa mga irigasyon na gagamitin ng mga magsasaka.
Inihayag pa ni Engineer Ablan na ang target nilang pagpapadaloy ng tubig sa mga irigasyon para sa susunod na cropping ay sa unang linggo ng Mayo.










