Hindi na magpapatupad ang National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS ng cut-off sa pagpapatubig ngayong wet cropping dahil sa nararanasang El Niño sa kabila na patuloy ang pagbaba ng water elevation ng Magat dam dahil sa nararanasang mainit na panahon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Engineer Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA MARIIS na noong ikasiyam ng Hunyo ang water elevation ng Magat dam ay 169 meters ngunit dahil sa naganap na pag-ulan ay umabot ng 171 meters noong ikasampo ng Hunyo subalit dahil sa mainit na panahon ay bumalik muli sa 169 meters ang water elevation.
Kaya pa rin naman na patubigan ang mga irrigation canal para magamit ng magsasakang nagtatanim.
Sa ngayon anya ay mayroon ng halos 45,000 ang nakapagtanim na, habang ang iba ay nasa land soaking.
Sa mga lugar na nakapagtanim na ay binabawasan na nila ang ipinapalabas na tubig dahil liliit na rin ang kanilang pangangailangan sa tubig dahil nasa maintenance period na sila.
Nagpapatupad na rin sila ng water scheduling at nagbibigay sila ng mga paalala kung kailan magpapadaloy sa bawat lugar upang magamit ng tama ang tubig na kanilang padadaluyin.
Ang cut-off anya ng patubig para ngayong wet cropping season ay sa unang araw ng Oktobre ngunit kinansela nila ito dahil sa nagbabadya ang El Niño.
Sa ngayon anya ang kanilang pinaghahandaan ay ang peak ng epekto ng El Niño sa last quarter ng taon at first quarter ng susunod na taon.
Sa kabila ng paghahanda sa epekto ng El Niño ay nasa 99.71% ang natapos nila sa pagsasaayos, pagpapasemento at paggawa ng Irrigation canals na nakatakda ngayong taon.
Bilang paghahanda anya sa El Niño ay nakapag-request na sila sa DA ng Cloud seeding ngunit nakadepende rin sa kaulapan ang pagsasagawa nito.
Sa ngayon anya ay mataas ang demand sa pangangailangan ng kuryente at humihingi ng karagdagang power generation na hindi nila pinagbigyan dahil kinakailangang mas pagtuunan ng pansin ang patubig sa mga irrigation canal para sa mga magsasaka.
Ngunit kapag mayroon namang sobra sa tubig ay nagbibigay naman sila para sa power generation