--Ads--

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang aktibong kaso ng Nipah Virus sa bansa at patuloy ang kanilang paghahanda upang maiwasan ang pagpasok ng virus sa mga border ng Pilipinas.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na mahigpit ang border monitoring, kasama ang Taiwan at Thailand, bilang bahagi ng paghahanda laban sa banta ng Nipah Virus.

“Batay sa aming ongoing monitoring, wala pang naitatalang pasyente na may sintomas o history ng exposure sa Nipah Virus,” ani Domingo. Ipinaliwanag din niya na batay sa datos mula sa India, dalawa lamang ang kumpirmadong kaso ng virus, kung saan halos 200 katao ang na-trace at na-isolate, at lahat naman ay nag-negatibo sa virus. Ayon sa DOH, ang virus ay nanatiling contained sa India sa ngayon.

Dahil dito, mas pinaigting ng DOH ang health protocols sa mga paliparan, lalo na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Nagtalaga na ang ahensya ng dedicated spotter nurses upang obserbahan ang mga dumadating na pasahero sa mga posibleng senyales ng virus. Kasama rin sa monitoring ang thermal cameras na awtomatikong nagbabasa ng body temperature, at ang mandatory e-travel forms na kailangang isumite sa loob ng 72 oras bago ang pagdating sa Pilipinas, upang matukoy ang mga bansang binisita ng pasahero.

--Ads--

Paliwanag ni Domingo, ang karaniwang sintomas ng Nipah Virus ay pangkaraniwan sa ibang sakit gaya ng lagnat, pananakit ng katawan, at sipon, habang ang malalang sintomas ay pamamaga ng utak. Binigyang-diin ng DOH na huwag mag-panic kung nakakaranas ng mga karaniwang sintomas dahil hindi ito otomatikong nangangahulugan ng infection.

Dahil wala pang bakuna para sa Nipah Virus, inihanda na rin ng DOH ang kanilang isolation rooms sa mga DOH hospitals at sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa bilang mga quarantine areas sakaling may kaso.

Ayon sa DOH, ang hakbang na ito ay bahagi ng proactive preparedness upang maprotektahan ang publiko at maiwasan ang pagkalat ng virus sa bansa.