--Ads--

Isang magnitude 6.2 na lindol ang yumanig sa bayan ng General Luna, Surigao del Norte dakong 7:03 nitong umaga, Oktubre 17.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tectonic ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 10 kilometro.

Naramdaman ang Intensity IV sa mga lugar ng Cabadbaran City sa Agusan del Norte, gayundin sa Hinunangan, San Francisco, Hinundayan, at Silago sa Southern Leyte, at Surigao City.

Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, ang pagyanig ay posibleng nagmula sa isang bahagi ng Philippine Trench, subalit wala namang banta ng tsunami.

--Ads--

Bagamat walang tsunami warning, inaasahan ang mga aftershocks at posibleng pinsala sa mga apektadong lugar.

Agad namang sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa General Luna, maging ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan, maliban sa mga emergency, health, at relief responders.

Itinigil din pansamantala ang inter-island travel, port operations, at iba pang sea-related activities bilang pag-iingat.

Nagsasagawa rin ng mandatory evacuation ang mga awtoridad para sa mga residente ng mga baybaying-dagat at mabababang lugar, partikular sa mga kabilang sa vulnerable sectors.

Samantala, sa isang panayam, ipinahayag ni Surigao del Norte Governor Robert Lyndon Barbers ang kanyang pangamba kaugnay ng sunod-sunod na mga lindol sa ibang bahagi ng rehiyon.

Dahil dito, nagpatawag ang gobernador ng emergency meeting kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang tignan ang pinsala at paghandaan ang mga kakailanganing hakbang.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at makinig sa mga opisyal na abiso mula sa Phivolcs at lokal na pamahalaan.