Mas pinaigting ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang monitoring sa mga slaughterhouse at meat establishments ngayong holiday season upang masiguro na ligtas at pasado sa pamantayan ang mga binebentang karne.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Venus G. Garcia, Officer in Charge ng Regional Technical Director ng NMIS-RTOC, katuwang ang lokal na pamahalaan, tuloy-tuloy ang inspeksyon sa lahat ng meat establishments sa bansa. Pinayuhan ng NMIS ang publiko na laging hanapin ang meat inspection certificate para sa lokal at imported na karne, at bumili lamang sa mga rehistradong tindahan. Ito ay upang maiwasan ang pagbebenta ng karne na walang tamang dokumento, sobra sa imbakan, o tinatawag na “hot meat” at “double dead” na mapanganib sa kalusugan.
Ani Garcia, karamihan sa mga karne na walang dokumento ay ibinibenta dahil sa mataas na demand, at hindi sapat ang storage space sa mga slaughterhouse. Paalala niya, huwag katayin ang baboy sa likod ng mga bahay dahil sa panganib ng pagkalat ng sakit, kaya’t mahalaga ang maayos na monitoring at inspeksyon.
Dagdag pa niya, mahalaga ang anti-mortem at post-mortem inspection ng NMIS upang masiguro na ang lahat ng karne ay malinis at ligtas sa pagkonsumo.
Binibigyang-diin niya na ang meat safety at food safety ay responsibilidad ng lahat ng mga nagtitinda at ng mga konsyumer. Kapag may nakitang di-ayon sa pamantayan, agad itong ini-uulat sa pinakamalapit na tanggapan ng NMIS at sa lokal na pamahalaan upang maagapan at maprotektahan ang publiko.





