Nagfile na ng certiorary for review sa Supreme Court ang konsehal na nanguna sa nakaraang halalan sa Tabuk City Kalinga ngunit diniskwalipika at hindi napabilang sa naiproklama bilang konsehal.
Sa kabila ng nakuhang pinakamataas na bilang ng boto ay hindi naisama ang pangalan ni Atty. Errol Comafay Jr. sa Official Proclamation ng Tabuk City Board of Canvassers (BOC) ng Elected Members of Sangguniang Panlungsod.
Ayon sa Tabuk City BOC, ito ay dahil sa COMELEC Resolution na nagpapatibay sa desisyon ng Second Division na kinakansela ang Certificate of Candidacy o COC ni Comafay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Errol Comafay, kandidato sa pagkakonsehal ng Tabuk City at No. 1 sa katatapos na halalan, sinabi niya na ang mga ipinalabas ng Comelec na may material misrepresentation sa kanyang Certificate of Candidacy ay walang mabigat na basehan.
Aniya kung sakali mang iba ang nailagay na address sa kanyang COC ay hindi ito mabigat na dahilan para sabihin ng Comelec na hindi siya residente ng Tabuk City.
Nagbigay naman umano siya ng mga ebidensya para patunayang siya ay tunay na residente ng Tabuk City ngunit ganito pa rin ang naging desisyon ng Comelec.
Dahil dito ay nag-apela na siya sa Supreme Court at kapag nanalo siya sa kaso ay ang Supreme Court na mismo ang mag-uutos na siya ay iproklama bilang konsehal ng Tabuk City.
Ang huling development sa kaso ay pinapasagot na ng Supreme Court ang mga respondent sa kaniyang petisyon pangunahin ang Comelec at ang nagsampa ng kaso na si Paquinto Sallaya.
Hindi naman isinasantabi ni Comafay na ‘politically motivated’ ang paghahain ng diskwalipikasyon laban sa kanya lalo at isa lamang sa kanyang krusada ang labanan ang umano’y talamak na korapsyon sa kanilang lugar.
Umaasa naman siyang kakatigan ng Korte Suprema ang kanyang magiging hakbang para sa mga taong naniwala at nagtitiwala sa kanya.










