
CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng San Manuel Police Station ang number one most wanted person Provincial Level sa kasong Large scale Illegal Recruiment at Estafa sa Pisang, San Manuel Isabela.
Ang akusado ay si Mark John Rendon, 26-anyos, binata at residente ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jose Torrijos, hepe ng San Manuel Police Station, sinabi niya na mismong ang Criminal Detection and Investigation (CIDG) na nakahimpil sa Camp Crame ang nagsampa ng 14 na kaso ng Estafa at syndicated Illegal Recruitement.
Ayon kay Maj. Torrijos, si Rendon ay dating nagtatrabaho sa isang recruitement at travel agency na nakabase sa Pasay City at dalawang buwang nagtago sa batas.
Inihayag naman umano ng akusado na isang buwan lamang siyang nagtrabaho sa naturang recruitement agency at marahil ay ginamit lamang ang kanyang pangalan.
Ipinagtataka naman ng pulisya ang mga nakasampang kaso laban sa kanya na mula pa noong 2016.
Ayon kay Rendon nagpapalabas sila ng advertisement sa social media at nakakapanghikayat sila ng mga gustong mag abroad o magtungo sa ibang bansa na mula pa sa iba’t ibang rehiyon.
Ayon pa umano sa akusado, nakakatanggap siya ng limang daang pisong komisyon sa bawat indibiduwal na kanyang narerecruit bagay na hindi pinaniniwalaan ng pulisya dahil napakalaki ang ipinagbago ng estado ng kanyang buhay.
Hinala ng pulisya na kabilang sa grupo si Rendon na nambibiktima ng mga nagnanais na mag-abroad
Nakatakdang dalhin si Rendo sa Pasay City Police Station bago ipasakamay sa court of origin.










