LONDON — Nakakabigla ang nangyari sa 2025 Wimbledon Championships nitong Martes matapos talunin ni Dayana Yastremska ng Ukraine ang No. 2 seed na si Coco Gauff, 7-6(3), 6-1.
Si Yastremska, na kasalukuyang ranked No. 42 sa mundo, ay kontrolado ang laro lalo na sa tiebreak ng unang set. Ipinakita niyang kampante siya laban kay Gauff, na kilala sa mabilis at matatag na simula sa mga unang round ng torneo.
Hindi naging epektibo ang pamatay na forehand at malalakas na serve ni Gauff sa laban. Nagpakita siya ng kaba at tila nagdadalawang-isip sa kanyang mga tira. Umabot sa siyam na double faults ang kanyang naitala sa buong laban. Samantalang si Yastremska ay tumipa ng 16 winners kumpara sa anim lang ni Gauff.
Sa match point, isang malalim na forehand mula sa Ukrainian ang nagtulak kay Gauff sa isang unforced error, at agad namang sumigaw ng tagumpay si Yastremska.
Nagyakapan ang dalawa sa net pagkatapos ng laban. Mabilis na kinuha ni Gauff ang kanyang mga raketa at kumaway sa mga manonood habang papalabas ng Court No. 1. Samantala, nagdiwang naman si Yastremska sa pinakamalaking panalo ng kanyang career.
Ang pagkatalo ni Gauff, kasabay ng pagkabigo ni Jessica Pegula, ay nagtala ng kasaysayan — ito ang unang pagkakataon sa Open Era ng women’s tennis na dalawa sa top three seeds ay natalo agad sa unang round ng isang Grand Slam.
Hindi pa nakararating si Gauff sa quarterfinals ng Wimbledon.











