CAUAYAN CITY – Naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Bambang, Nueva Vizcaya ang Number 3 at Number 4 Most Wanted Person Provincial Level sa kasong panggagahasa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Marvin Deculing, Deputy Chief of Police ng Bambang Police Station na ang number 3 Most Wanted Person na akusado ay may kasong statutory rape at tiyuhin ng biktima na 11-anyos.
Magkapitbahay sila at nakainom umano ang akusado nang isagawa ang panggagahasa sa kanyang pamangkin.
Isang beses lang umanong ginahasa ang biktima at ang mismong lola nito na ina ng akusado ang nagpakulong sa kanyang anak.
Liblib naman aniyang barangay ng Bambang ang kanilang lugar.
Samantala, ang Number 4 Most Wanted Person na akusado naman ay dating driver ng isang ospital sa Bambang.
Ang biktima ay nagpacheck sa ospital at nagustuhan siya ng akusado at inalok niya umano ng gamot ang biktima hanggang sa makuha ang loob nito at magkaroon sila ng komunikasyon sa text.
Isa ring menor de edad ang biktima na 15-anyos noong nangyari ang panggagahasa.
Agad nagsumbong ang biktima sa kanyang lola at ang lola naman nito ang nagparating sa pulisya.
Payo ng pulisya sa mga kababaihan lalo na sa mga kabataan na huwag masyadong magtiwala sa mga nakikilala nila para hindi magkaroon ng tsansa ang mga masasama ang loob.
Payo rin nila sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo na ang mga babae para hindi mapahamak.
Tinig ni PCapt. Marvin Deculing.