--Ads--

Naaresto ng pulisya ang No. 3 Provincial Top Most Wanted Person na nahaharap sa dalawang bilang ng kasong statutory rape sa isinagawang operasyon nitong Marso 3, 2026 sa Barangay Gaddang, Aparri, Cagayan.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Lucas,” 52-anyos, may asawa, walang hanapbuhay, at residente ng Barangay Pangal Sur, Echague, Isabela.

Pinangunahan ng Echague Municipal Police Station ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Aparri Municipal Police Station, Regional Intelligence Unit 2-CIT Santiago City, 2nd Isabela Provincial Field Force Company, Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, at Provincial Intelligence Division Management Unit.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Pebrero 18, 2026 ng Regional Trial Court, Branch 24, Echague, Isabela para sa dalawang bilang ng statutory rape. Walang inirekomendang piyansa para sa nasabing kaso.

--Ads--

Agad namang ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Echague Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon bago i-turnover sa hukuman na naglabas ng warrant.

Ayon kay Police Colonel Manuel B. Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, patunay ang matagumpay na operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa mga most wanted person sa lalawigan.

Dagdag pa niya, magpapatuloy ang agresibong pagtugis ng pulisya sa mga akusadong umiiwas sa pananagutan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad, lalo na ang pagbibigay proteksyon sa mga kabataan.