Arestado ang isang Number 5 Municipal Most Wanted Person ng Burgos, Isabela sa kasong theft matapos isilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa kanya sa isinagawang operasyon nitong Pebrero 13, 2026.
Kinilala ang nadakip na si alyas “Domeng,” 29-anyos, may asawa, construction worker, at residente ng Sitio Asin, Brgy. Lucog, Tabuk City, Kalinga. Siya ay kabilang sa No. 5 Municipal Most Wanted Person ng Burgos, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ. Fernando Mallillin, Chief of Police ng Burgos Police Station, sinabi nitong dakong alas-1:10 ng hapon nang ipatupad ang warrant of arrest laban sa suspek sa Brgy. San Antonino, Burgos, Isabela. Pinangunahan ng Burgos Police Station ang operasyon katuwang ang Police Station 7 ng Baguio City Police Office.
Ang warrant of arrest ay may petsang Nobyembre 16, 2023 at inilabas ng Presiding Judge ng Municipal Trial Court in Cities, First Second Judicial Region, Branch 2, Baguio City, Benguet. Itinakda ang piyansang nagkakahalaga ng P26,000 para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Burgos Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda sa kanyang turnover sa hukuman na naglabas ng warrant.
Samantala, patuloy pang pinaiigting ng Burgos Police Station ang kampanya laban sa mga Most Wanted Person sa lalawigan ng Isabela. Pinalalakas din ang koordinasyon sa iba’t ibang police units at ahensya, kabilang ang mas pinaigting na cyber patrolling upang matunton ang iba pang wanted na indibidwal.











