--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsikap para matupad ang hangaring mapabilang sa top 10 ang number 8 sa resulta ng Civil Engineering Examination.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Francis Verbo, tubong Tuguegarao City at nagtapos sa St. Louis University, sinabi niya na sa unang bahagi ng kanilang exam siya bahagyang nahirapan ngunit sa mga sumunod na subjects ay naging madali na lang ito para sa kanya.

Aniya, ang kanyang batch ang huling batch na hindi napabilang sa K to 12 kaya sila ang apektado ng transisyon ng old curriculum sa new curriculum at maraming topiko ang bago o kakaiba sa kanilang mga pinag-aralan.

Malaking tulong naman ang kanyang pag enroll sa review center at ang kanyang mga natutunan noong siya ay nag-aaral pa lamang para mag-top.

--Ads--

Ayon kay Engr. Verbo, itinaguyod ng kanyang ina katuwang ang kanyang mga kapatid at tiyahin ang kanyang pag-aaral dahil isang taong gulang pa lamang siya nang namatay ang kanyang ama.

Upang makatulong sa kanyang pamilya ay pumasok siya bilang student assistant sa kanilang pamantasan upang may maipantustos sa pag-aaral at may pambayad sa kanyang pagrerebyu noong siya ay naghahanda na para sa pagsusulit.

Bagamat nagtapos siya sa pag-aaral na walang parangal  ay hindi ito naging hadlang sa hangarin na mapabilang sa top 10 sa civil engineering exam na ilang beses naudlot dahil sa pandemya.

Pinasalamatan ni Engr. Verbo ang kanyang pamilya sa paggabay sa kanyang pag-aaral at pinaalalahanan ang mga mag-aaral na nais ding maging inhinyero na pagbutihin ang pag-aaral at magtiwala sa Panginoon.