CAUAYAN CITY – Nadakip sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang Number 9 most wanted person regional level dahil sa kasong Statutory Rape at online sexual abuse.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ar-Jay Nabban, Deputy Chief of Police ng Bayombong Police Station sinabi niya na isinilbi ng pinagsanib na pwersa ng Bayombong Police Station, Solano Police Station at 1st Provincial Mobile Force Company ang mandamiento de aresto ng suspek.
Batay sa kanilang pagsisiyasat nakatransaksyon ng mga batang biktima ang suspek sa isang online messaging app hanggang sa nahikayat niya na makipagtalik.
Noong May 16,2023 ay dumulog sa himpilan ng Pulisya ang isang informant na siyang naglahad sa pangyayari at pawang mga taga-Nueva Vizcaya ang mga sangkot.
Hindi lamang aniya iisa ang suspek na sangkot sa online sexual abuse dahil may mga kasama pa siya na nakikipag transaksyon din sa mga menor de edad.
Modus ng grupo na makipag-usap sa biktima at hihingian ng mga litrato maging ang videos hanggang sa lumalim ang ugnayan at mapapayag ang mga menor de edad na makipag kita at doon magaganap ang kahalayan.
Wala naman aniyang kamalay malay ang mga magulang ng mga biktima dahil nang magsagawa ng imbestigasyon ang Women and Children Protection Desk ay hindi umano alam ng mga mangulang ang nangyari sa kanilang anak.
Sa ngayon ay tinitingnan nila kung may kinabibilangang grupo ang suspek na sangkot din sa cyber-crimes o online sexual abuse and exploitation.
Tinig ni PCapt. Ar-Jay Nabban.