
CAUAYAN CITY – Magpapatupad na nang mas mahigpit na restriction ang pamahalaang Lunsod ng Cauayan para sa mga nais na magtungo sa lunsod.
Ayon kay Atty. Reina Santos, City Information Officer, hahanapan na ng QR Code Pass ang lahat ng mga papasok sa Lunsod ng Cauayan kaugnay ng pagpapatupad ng No QR Code, No Entry Policy ng pamahalaang lunsod.
Kasama ng QR code pass ang health certificate, medical certificate, ID at travel pass sa mga requirements na ipapakita ng mga papasok sa Lunsod ng Cauayan.
Nilinaw ni Atty. Santos na hindi hahanapan ng QR Code ang mga dadaan lang sa Lunsod ng Cauayan o kung may emergency cases.
Layunin ng hakbang na mapabilis ang isasagawang contact tracing ng COVID Task Force sakaling magkaroon ng positibo sa Coronavirus Disease.
Samantala, magiging mandatory na rin ang paggamit ng face shield sa mga pampublikong lugar at pampublikong transportasyon sa Lunsod ng Cauayan bilang pagtalima sa kautusan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Ayon pa kay Atty. Santos mapapatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mahuhuling lalabag sa mga bagong panuntunan.










