--Ads--

Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalayag ng anumang uri ng sasakyang pandagat sa karagatang nasasakupan ng Lalawigan ng Isabela dahil sa Gale Warning.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Local Disaster Risk Reduction and Management Assistant John Bert Neri ng Palanan, Isabela, sinabi niya na matapos nilang matanggap ang gale warning ay agad nilang inabisuhan ang lahat ng barangay pangunahin na ang mga barangay ng Culasi, Maligaya, San Isidro, at Dinaddungan.

Dahil sa pansamantalang hindi makakapaglayag ang mga mangingisda ay mayroong food packs na maipagkakaloob sa mga ito.

Ang tanging problema lamang ay hindi pa sila makapag-preposition ng karagdagang food packs dahil hindi makapag-layag ang mga Lancha na nagdadala ng goods sa Palanan.

--Ads--

Gayunman, mayroon pa aniyang mga food packs na pwedeng ipamahagi subalit hindi sigurado kung ito ay kakasya sa mahigit kumulang 270 full time  fisherfolks na apekatado ng No Sail Policy.

Ayon kay Neri, tuwing may gale warning ay apektado talaga ang pagpasok ng mga pangunahing produkto sa coastal town gaya na lamang ng Diesel at Gasolina subalit tiniyak ni Neri na sa kasalukuyan ay sapat pa ang kanilang suplay ng mga produkto.  

Aniya, kung sakali mang kulangin ang mga food packs ay nakaantabay naman ang Municipal Social Welfare and Development (MSWD) para sa augmentation ng relief goods.