CAUAYAN CITY – Mahigpit na ipatutupad ang No Swimming Policy sa Camp Vizcarra sa Ramon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Ernesto Ruiz ng General Aguinaldo, Ramon, kailangan nilang ipatupad ito upang maiwasan ang hindi magandang pangyayari kung papayagan ang paliligo ng mga tao sa ilog sa panahon ng Semana Santa.
Ang no swimming policy ng barangay ay bunsod ng mga naitala noon na insidente ng pagkalunod.
Katuwang ng mga opisyal ng barangay at mga Barangay tanod, mga kagawad ng pulisya bukod pa sa mga kawani ng pamahalaang lokal ng Ramon, Isabela na siyang namamahala sa Camp Vizcarra sa pagpapatupad ng No Swimming Policy.
Kaugnay ng inaasahang pagdalaw ng maraming mamamayan sa Magat Dam, tiniyak ni Punong Barangay Ruiz na pagbabawalan nila ang mga may-ari ng mga Motor Bangka na walang mga life vest na gagamitin ng mga sasakay sa paglilibot sa Magat Dam.




