
CAUAYAN CITY – Kinalampag ng Northern Luzon Transport Operators and Drivers Multi-Purpose Cooperative (NOLTRANSCO) ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa kabagalan ng pag-apruba sa kanilang special permit.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Daniel Gaffud, chairman ng NOLTRANSCO, sinabi niya na mahigit isang buwan na silang naghihintay subalit hanggang ngayon ay wala pang resulta ng kanilang mga request sa LTFRB.
Aniya, maraming beses na silang nakipag-ugnayan sa tanggapan ng LTFRB Region 2 at apat na beses na rin silang nakipag-teleconference sa director ng tanggapan subalit batay sa mga ito, kaunti lamang ang kanilang mga empleado kaya mabagal ang pagproseso sa mga nagrerequest ng special permit.
Ayon kay Ginoong Gaffud, naghihintay na lamang ang kanilang mga sasakyan sa special permit na ibibigay sa kanila habang nakapagrequest na rin sila ng inspection sa mga terminal na kanilang gagamitin.
Sa ngayon ay naghahanap muna sila ng mga kumpanya na puwedeng mag-arkila sa kanilang mga sasakyan subalit kailangan pa rin ng special permit.
Idinagdag pa niya na wala ring nakakatanggap ng ayuda sa kanilang mga driver kaya dobleng hirap na ang kanilang nararanasan ngayon.
Panawagan niya sa LTFRB na bilisan ang pagbibigay ng kanilang special permit at nakahanda naman silang sumunod sa mga guidelines na kanilang ilalabas.
Ngayon nila ipakita na wala silang pinipili.










