
CAUAYAN CITY – Kasalukuyan pa ring pinoproseso ng Northern Luzon Transport Operators and Drivers Multi-Purpose Cooperative (NOLTRANSCO) ang kanilang special permit para sila ay makapamasada.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Daniel Gaffud, chairman ng NOLTRANSCO, sinabi niya na sa ngayon ay patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa bawat local government units (LGUs) para malaman nila ang kanilang patakaran lalo na at may mga bayan na nagpapatupad ng coding.
Bukod dito ay kailangan ding may terminal ang bawat bayan para sa mga safety measures tulad ng mga scanner, handwashing, disinfectant ng mga sapin sa paa at dapat bago sumakay ang pasahero ay nakabayad na.
Sinabi pa ni Gaffud na prayoridad ngayon ng LLTFRB ang mga bus at modernized jeepney at kung sakaling magkulang man ay saka lamang papasok ang UV express.
Samantala, umaapela sila ngayon sa senado na magkaroon din sila ng partisipasyon sa isinasagawa nilang hearing para mailatag din nila ang kanilang mga problema dahil sila naman ang gumaganap sa mga ginagawa nilang batas.
Tinututulan aniya nila ang point to point na pagsakay at pagbaba ng mga pasahero dahil wala talaga silang kikitain.
Dagdag pa nito na marami namang paraan para matugunan ang problema.










