Tuluyan ng inihatid ang National Artist at tinaguriang Superstar na si Nora Aunor sa kaniyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City nitong Martes, Abril 22.
Ang kabaong ni Nora Aunor o Nora Cabaltera Villamayor sa tunay na buhay, ay binuhat ng mga military personnel at binigyan din ng military funeral honors.
Naroon sa libing ang mga anak ni Nora na sina Ian, Lotlot de Leon, Matet de Leon, at mga apo kabilang si Janine Gutierrez. Namataan din sa paghahatid sa huling himlayan ng Philippine superstar ang ilang mga kilalang personalidad sa showbiz.
Maraming “Noranians” ang nakidalamhati bitbit ang mga memorabilia ng kanilang idolo.
Bago ang state funeral, ay ginawaran ng National Commission for Culture and the Arts ng isang state necrological service ang aktres na ginanap sa Manila Metropolitan Theater sa Maynila.
Ginawaran ng 21-gun salute ang namayapang aktres kasabay ng isinagawang state funeral. Pinatugtog naman ang kaniyang mga sikat na awitin tulad ng “Handog” at “Ikaw ang Superstar” sa ginanap na seremonya.
Si Nora Aunor ay tinanghal na National Artist for Film and Broadcast Arts noong 2022. Siya ay sumakabilang buhay sa edad na 71 noong ika-16 ng Abril dahil sa acute respiratory failure, ayon sa kaniyang anak na si Ian.











