Isang North Korean na gumamit ng plastik gaya ng Styrofoam upang tumawid sa dagat patungong South Korea ang nailigtas at kasalukuyang nasa kustodiya ng South Korean Authorities.
Ayon sa Joint Chiefs of Staff ng South Korea, matagumpay na nakatawid ang lalaki sa de facto maritime border na kilala bilang Northern Limit Line sa baybayin ng Korean Peninsula noong gabi ng July 30.
Ang nasabing ruta ay karaniwang ginagamit ng mga nagtatangkang tumakas mula sa North Korea patungo sa Ganghwa Island, isa sa pinakamalapit na teritoryo ng South Korea.
Ayon sa ulat, nakita ang indibidwal na nakatali sa mga piraso ng Styrofoam at kumakaway para humingi ng tulong. Nang tanungin ng isang opisyal ng South Korean Navy, sinabi nitong nais niyang tumakas patungo sa South Korea.
Tumagal ng halos sampung oras ang rescue operation at naisalba ang indibidwal bandang alas-4 ng umaga noong July 31.
Kinumpirma ng Ministry of National Defense ng South Korea na ang indibidwal ay nasa kustodiya na nila at nagpahayag ng kagustuhang tumira sa South Korea bilang isang defector.
Karaniwang dumadaan sa China ang mga tumatakas na North Korean, ngunit simula noong 2020 ay bumaba ang bilang ng mga matagumpay na pagtakas dahil sa mas pinaigting na pagbabantay sa mga borders, partikular na ang utos na barilin kaagad ang sinumang lumalabag bilang pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19.
Ang mga defector mula sa North Korea ay karaniwang isinasailalim sa imbestigasyon ng intelligence agency ng South Korea upang masuri ang kanilang background at intensyon sa pagtakas.











