Tinalakay sa ika-111 episode ng programang “Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran” ng Tactical Operations Group 02 ang pinaigting na territorial defense operations ng Northern Luzon Naval Command bilang bahagi ng pagbabantay sa soberanya ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Captain Roald Keith Tañedo, General Staff 4 ng Northern Luzon Naval Command ng Philippine Navy, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng territorial defense upang mapangalagaan hindi lamang ang teritoryo ng Pilipinas kundi maging ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayang Pilipino.
Ayon kay Captain Tañedo, tuloy-tuloy ang koordinasyon ng kanilang hanay sa Philippine Army Region 2 bilang bahagi ng pinagsanib na hakbang para sa mas epektibong depensa ng bansa.
Mayroon din aniyang aktibong ugnayan ang Northern Luzon Naval Command sa Philippine Coast Guard at Philippine Air Force upang palakasin ang pagbabantay at pagtugon sa anumang banta sa katubigan at himpapawid ng bansa.
Tinatayang nasa 90% na umano ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines pagdating sa territorial defense, kasabay ng patuloy na pagbuti at modernisasyon ng mga kagamitan ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.











