CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong carnapping ang isang magsasaka na tinaguriang notorius carnapper sa bayan ng Diadi.
Ang pinaghihinalaan ay si Clarence Cabeson, dalawampu’t dalawang taong gulang, magsasaka at residente ng Poblacion, Diadi, Nueva Vizcaya.
Sangkot ang pinaghihinalaan sa pagtangay sa motorsiklo at cellphone ng biktimang si Francisco Concillo, dalawampu’t tatlong taong gulang na residente rin ng naturang bayan.
Batay sa record ng Diadi Police station taong 2020 nang nasangkot si Cabeson sa kaparehong kaso.
Ayon sa biktimang si Concillo, pagkagising niya ay wala na ang kanyang motorsiklo.
Nakatanggap naman ng impormasyon ang Diadi Police station kaugnay sa Isang lalaking namamahinga sa Isang Waiting Shed sa brgy. Nagsabaran sakay ng isang Honda click125 na kaparehas ng nawawalang motorsiklo ng Biktima.
Nang makarating ang mga pulis sa Lugar ay tinangka pa ng pinaghihinalaan na tumakas subalit nahabol nila ito at nahuli.
Nakuha sa pinaghihinalaan ang ninakaw na motorsiklo at cellphone ng biktima gayundin ang isang caliber 38 revolver na may tatlong bala.
Ang pinaghihinalaan ay nakatakdang sampahan ng kasong Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law; paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Qualified Theft.