CAUAYAN CITY – Naaresto matapos ang mahigit isang taong pagtatago ang number 1 most wanted person sa municipal level at maituturing na notorious sa kidnap for ransom activity noong 2015 hanggang 2016.
Ang naaresto ng Ramon Police Station sa bisa ng mandamiento de aresto na ipinalabas ni Judge Anastacio Anghad ng Regional Trial Court branch 36 sa Santiago City ay si Randy Casanova, 45 anyos, dating construction worker at residente ng Bugalion Proper Ramon, Isabela.
Si Casanova ay sinampahan ng kasong kasong robbery na may piyansang 100,000 pesos, kidnap for ransom at kidnap for ransom with homicide na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Dinala na si Casanova sa court of origin bago ipinasakamay sa Santiago City District Jail.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PO2 Jake Coloma, chief investigator Ramon Police Station, sinabi niya agad silang nagsagawa ng operasyon para madakip si Casanova.
Ito ay matapos nilang ma-validate ang nakarating sa kanila na impormasyon na kararating ng akusado mula sa ibang lugar kung saan siya nagtago.
Ang mga kaso aniya ni Casanova na kidnap for ransom na isinampa ng PNP Anti-Kidnapping Group ay kaugnay ng mga serye ng pagdukot noong 2015 at 2016 sa Lunsod ng Cauayan at Lunsod ng Santiago.
Ang isa sa mga biktima ng pagdukot ay natagpuan noong 2016 sa Aguinaldo, Ifugao.
Maituturing umanong notorious si Casanova na may kinaanibang grupo na kumilos noon sa 4th district ng Isabela.




