CAUAYAN CITY – Masusing minomonitor ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang mga namamataang kasapi ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) na kamakailan ay idineklara ng pamahalaang terrrorist group sa Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Sr. Supt. Reynaldo Garcia Provincial Director ng IPPO na ang nasabing impormasyon ay ipinagbigay alam na kay P/Chief Supt. Robert Quenery, Regional Director ng Police Regional Office Number 2 .
Anya maraming namamataang NPA pangunahin na sa 4th district ng Isabela at marami silang aktibidad sa nasabing lugar.
Subalit tiniyak ni PD Garcia na maigting nilang minomonitor ang pagkilos ng mga rebelde sa mga nabanggit na lugar
Inihayag pa ni Sr. Supt. Garcia na matutuwa sila kapag mayroong mga sumukong kasapi ng New People’s Army o NPA sa mga himpilan ng pulisya dahil palatandaan ito na matagumpay ang kanilang kampanya na pasukuin ang mga rebelde.
Mabibigyan na rin anya silang magbagong buhay at makapamuhay ng normal.
Sinabi pa ni Provincial Director Garcia na mayroong package na iniaalok ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela tulad ng pagbibigay ng tulong pinansiyal at trabaho sa sinumang susukong rebelde.




