CAUAYAN CITY – Nakatanggap ng death threat ang New People’s Army o NPA surrenderee bago pinagbabaril-patay sa Sangbay, Nagtipunan.
Ang biktima ay si Arnel Ariaga, nasa tamang edad at residente ng nasabing lugar habang hindi pa rin nakikilala ang pinaghihinalaan.
Sa exklusibong panayam ng Bombo radyo Cauayan, inihayag ni P/ Chief Inspector Edgar Onista, hepe ng Nagtipunan Police Station na sa pagbubunyag ng asawa ng biktima, mga kaibigan umano ni Arnel ang nagpaabot kaugnay sa pagbabanta ng rebeldeng pangkat na kinabibilangan nilang mag-asawa noon.
Puntirya umano si Ariaga ng mga dating kasamang rebelde dahil siya ang pinaghihinalaang nagbibigay ng impormasyon sa mga otoridad sa pagkakilanlan ng mga dating kasamahang rebelde.
Tatlong linggo matapos makatanggap ng death threat ang biktima, siya ay pinagbabaril kagabi.
Nagtamo ng 8 tama ng bala ng Calibre 45 baril ang biktima.




