--Ads--

CAUAYAN CITY – Inako ng mga kasapi ng Reynaldo Piñon Command NPA Central Isabela Front ang umanoy pagdis-arma sa mga kasapi ng Task Force Kalikasan na nakatalaga Sindon Highway sa barangay Sindon Bayabo, Ilagan City.

Nakasaad sa ilang bahagi ng kalatas na ipinadala sa Bombo Radyo Cauayan na ang kanilang hakbang ay bilang tugon sa umanoy sumbong ng mga mamamayan na ang task force kalikasan ay pasimuno sa pagkasira ng kalikasan at pangunguna sa pagpapakahoy sa kabundukan ng Sierra Madre.

Tunay naman umanong nanghuhuli ang mga kasapi ng task force kalikasan sa mga naibabang kahoy ngunit sa kalaunan ay sila naman ang nagbebenta at makikibang at ini-iskortan pa upang matiyak na mailabas ang nasabing mga bawal na pinutol na punong kahoy.

Pinaratangan din ng mga rebelde ang mga kasapi ng task force kalikasan ng pangongotong dahil sa bawat load ng kahoy ay nasa hanggang PHP2,000.00 ang kanilang kinokotong at sa bawat load ng rattan ay kumikita umano sila ng hanggang Php10,000.00.

--Ads--

Dahil dito ay kanilang pinarusahan ang mga kasapi ng Task Force Kalikasan.

Inihayag naman ni G. Paul Bacungan, City Information Officer ng pamahalaang lunsod na walang baril na nakuha ng mga rebelde sa mga kasapi ng task force kalikasan kundi mga cellphone ang nasamsam subalit ibinalik din sa kanila ang nasabing kagamitan.

Itinali lamang umano ng mga rebelde ang mga kasapi ng task force kalikasan at binalaan sa kanilang mga maling gawain.

Nangako naman si G. Bacungan na kanilang sisiyasatin ang paratang sa mga kasapi ng Task Force Kalikasan at hindi kokonsintihan sa kanilang maling gawain.

Ang Task Force Kalikasan ay binuo ng pamahalaang lunsod ng Ilagan at DENR noong nasimulan ang paggawa ng Ilagan City-Divilacan Road upang mapangalagaan ang kabundukan ng Sierra Madre.