--Ads--

Pabor ang National Public Transport Coalition na magkaroon ng regulasyon sa paggamit ng mga electronic vehicle sa mga pambansang lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na noong nakaraang taon ay napagkasunduan sa Senado ang regulasyon sa mga electronic vehicle.

Aniya, hindi naman ipinagbabawal ang paggamit ng mga e-trike at e-bike sa mga kalsada, subalit kinakailangan ng malinaw na regulasyon. Ang pangunahing problema, ayon sa kanya, ay ang paglabas ng mga ito sa National Highways na madalas nauuwi sa aksidente.

Sa katunayan, una na rin nilang iminungkahi na sana ay mairehistro ang mga e-trike, dahil hanggang ngayon ay marami pa ring electronic vehicle na tumatakbo sa mga pangunahing lansangan, hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa halos buong Pilipinas.

--Ads--

Bukod sa pagdaan sa mga pambansang lansangan, may ilan ding bumibiyahe nang walang prangkisa at rehistro, na nagiging sanhi ng kaguluhan sa kalsada.

Dagdag pa ni Lim, matagal na nilang iminumungkahi ang pakikipagtulungan sa mga Local Government Units (LGUs) para sa paghahain ng kautusan sa DILG upang ma-regulate ang paggamit ng e-trikes, nang hindi na kinakailangang makipag-sabayan sa mga sasakyan sa National Highways.