--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinag-iingat ngayon ng National Telecommunication Communication o NTC ang publiko sa bagong modus ng mga scammer upang makapanloko ng ibang tao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Myra De Guzman-Palattao, Legal Officer ng National Telecommunication Commission Region 2 sinabi niya na paiba-iba na ng scheme ang mga scammer upang makapangloko sa kapwa tao.

Aniya maliban sa mga fake job offers, paggamit ng lending applications, credit card application offers at phishing links upang makuha ang impormasyon ng mga biktima ay gumagamit na rin ang mga kawatan ng ibang paraan tulad ng pagrekord sa boses ng kanilang bibiktimahin.

Ginagaya ang boses sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya tulad ng Artificial Intelligence at ginagamit sa pakikipagtransaksyon sa mga kakilala ng biktima kung saan siya ang mapagbibintangan.

--Ads--

Ayon kay Atty. Palattao, sa ngayon ay tanging mga harrassment naman mula sa mga lending application ang kanilang naitatalang kaso sa rehiyon.

Dahil sa hindi pagbabayad ng mga nagkautang sa kanila ay kinokontak nila ang mga kakilala nito na ginamit na guarantor noong sila ay umutang.

Aniya sila ay pinagbabantaan na sasampahan ng kaso kapag hindi nabayaran ang inutang ng kanilang kakilala.

Upang maiwasan na ang mga kaso ng pang-iiscam sa Region 2 ay inatasan na ng NTC ang mga telecommunication companies na magpadala ng mga advisories o message alerts sa kanilang mga users upang ipaalam ang mga ginagawa ng mga scammers.

Nagsasagawa rin sila ng legal counseling sa mga nabiktima ng scammer upang hindi na sila mabiktima pa.