CAUAYAN CITY- Pinag-iingat ng National Telecommunications Commission (NTC) Region 2 ang publiko na huwag agad magpapaniwala sa mga mga natatanggap na tawag o text mula sa mga hindi kilalang numero.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Mart Renier Bagullo, Enforcement and Operations Division ng NTC Region 2, sinabi niya na mayroong bagong modus ang mga scammer kung saan nagpapanggap sila na empleyado ng NTC.
Magtetext aniya sila sa numero na target nilang iiscam at sasabihin na ang kanilang numero ay kabilang sa listahan ng NTC ng mga scammers.
Para matanggal umano ang kanilang numero sa listahan ay kinakailangan nilang magbigay ng cash kapalit nito.
Nilinaw naman niya hindi ito ginagawa ng mga empleyado ng NTC at isa itong scam.
Kapag aniya nakatanggap ng mga ganitong klase ng text ay agad na ireport sa kanilang hotline o bumisita sa kanilang website.
Aniya, kapag nakakatanggap sila ng ganitong klase ng reklamo ay agad nila itong isinusumite sa Central Office para sa kaukulang aksyon.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na maging maingat at huwag na lamang pansinin ang mga kahina-hinalang text o tawag na natatanggap.