--Ads--

Walang naitalang casualty ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Nueva Vizcaya sa pananalasa ng Bagyong Paolo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LDRRM Assistant Mary Kristine Olog ng PDRRMO-Nueva Vizcaya, sinabi niyang wala silang naitalang anumang casualty sa lalawigan, sa kabila ng naranasang malalakas at pabugso-bugsong hangin at ulan.

Bago pa man tuluyang maramdaman ang epekto ng Bagyong Paolo, nagsagawa na sila ng pre-emptive evacuation sa mga flood-prone at landslide-prone areas, partikular sa mga bayan ng Ambaguio, Aritao, Bayombong, Diadi, Alfonso Castañeda, Bagabag, Bambang, Quezon, Dupax del Norte, at Kasibu.

Batay sa kanilang talaan, umabot na sa 274 pamilya o 854 katao ang nailikas. Sa nasabing bilang, 241 pamilya ang nanatili sa mga evacuation centers habang 35 pamilya o 112 katao ang pansamantalang nakisilong sa kanilang mga kaanak.

--Ads--

Sa kasalukuyan, one-way passable ang ilang bahagi ng Diadi dahil sa road reblocking at isinasagawang road clearing operations. May naitala ring serye ng landslide sa lugar, dahilan upang pansamantalang isara ang Nueva Vizcaya–Pangasinan Road. Samantala, passable naman ang Nueva Vizcaya–Benguet Road at Ifugao via Bagabag Road.

Sa mga bayan ng Ambaguio, Aritao, Kasibu, at Kayapa, ilang bahagi ng mga kalsada ay one-lane passable pa rin bunsod ng mga pagguho ng lupa.

Hindi naman madaanan mula kagabi ang bahagi ng Nueva Vizcaya–Benguet National Road, partikular sa Oyawon Section ng Kayapa Proper Road, dahil sa pagbaha. Hindi rin madaanan kahapon ng maliliit na sasakyan ang Purok Ibong, Villa Verde, Nueva Vizcaya, bunsod ng pag-apaw ng drainage canal.