Arestado ang isang lalaki na tinaguriang Number 1 Regional Most Wanted Person dahil sa kasong panggagahasa sa isang menor de edad.
Sa panayam ng Bombo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Burgos Police Station, sinabi niya na ang akusado ay naaresto sa Barangay Dalig, Burgos, Isabela.
Ang pagsisilbi ng mandamiento de arresto ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Burgos Police Station at iba pang concerned agencies, na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Mario”, na may labing-anim na kaso ng qualified rape of a minor.
Batay sa pagsisiyasat ng Burgos Police Station, ang kaso laban kay alyas Mario ay isinampa ng WCPD personnel ngayong taon matapos gahasain ang biktima na si alyas “Nene”, na 13 taong gulang.
Batay sa impormasyon, ipinaalaga ang biktima sa kaniyang tiyahin dahil hiwalay sa mister ang ina nito at kailangan magtrabaho.
Napag-alaman na kasama ng biktima sa bahay ng kaniyang tiyahin ang mismong suspek. May mga pagkakataon na magkakatabing natutulog ang biktima, tiyahin, at tiyuhin nito. Dahil hindi nagigising ang tiyahin ng biktima, sinamantala ng suspek ang panghahalay.
Ang nasabing panggagahasa ay paulit-ulit na nangyari.
Dahil sa takot, hindi agad nakapagsumbong ang biktima. Sinubukan niyang sabihin ang insidente sa tiyahin subalit hindi umano pinansin, hanggang sa nagawa niyang makapagsumbong sa iba niyang kaanak.
Ito ang kauna-unahang insidente ng panggagahasa sa Burgos, Isabela na ang suspek ay mismong tiyuhin ng biktima.










