
CAUAYAN CITY – Ipinagmamalaki ng kanyang pamilya si Cadette Irish Adrianne Gumaru ng San Pablo, Isabela na magtatapos na number 6 sa Philippine National Police Academy (PNPA) Mandayug Class 2020.
Naging inspirasyon umano ni Cdt Gumaru ang kanyang ama at ilan pang kamag-anak na pulis.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan ay naging emosyonal si Ret. Jail Officer Noli Gumaru dahil natupad ang pangarap ng kanyang anak.
Isinalaysay niya na palagi siyang dinadalaw ng kanyang anak sa kanyang trabaho noong nag-aaral pa at maaring ito ang kanyang naging hamon at inspirasyon.
Sinabi pa ni Ret. Jail Officer Gumaru na marami silang kamag-anak na pulis.
Ninais din niyang mapunta ang kanyang anak sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Naniniwala si Ginoong Gumaru na magiging huwaran ng mga kabataan ang kanyang anak.
Labis ding ipinagmamalaki ni Ginang Roda Gumaru, isang guro ang naging accomplishment ng kanyang anak sa PNPA.
Ang PNPA Mandayug Class of 2020 ay kinabibilangan ng 277 na kadete, 194 ang mga lalaki at 83 ang mga babae.
Umabot sa 202 na magtatapos ang mapapabilang sa PNP, 59 sa BFP at 16 sa BJMP.










