Naaresto ng Jones Police Station ang ika-siyam na Regional Most Wanted Person kaugnay ng kasong sexual assault at statutory rape sa isinagawang operasyon sa Barangay Barangcuag, Jones, Isabela nitong Enero 8, 2026.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jomer,” trentay otso anyos, may asawa, magsasaka, at residente ng nasabing bayan. Batay sa ulat ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Jones Police Station, naganap ang krimen noong ika – abente ng Marso ng nakaraang taon, at ini-report ng menor de edad na biktima kasama ang kanyang ama noong Hunyo bente tres, sa parehas na taon.
Sa imbestigasyon, pinagsamantalahan umano ng suspek ang biktima habang naglalaro sa kanyang tahanan at tinakot pa itong huwag magsumbong, kung hindi ay sasaktan.
Isinagawa ang operasyon sa tulong ng Regional Intelligence Unit 2–Santiago City, Regional Mobile Force Battalion 2, Isabela Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit at Provincial Investigation and Detective Management Unit ng Isabela PPO.
Ang warrant of arrest laban sa suspek ay inilabas ng Regional Trial Court Branch 29 sa Echague, Isabela noong December 11, 2025, na walang inirekomendang piyansa.
Ayon sa Police Regional Office 2, ang pagkakaaresto ay patunay ng patuloy na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted persons at sa pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng pang-aabuso.










