--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Tabuk City kung may pananagutan ang pamunuan ng Resort sa pagkasawi ng isang nurse matapos mahulog sa zipline.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan nakatanggap ang Tabuk City Police Station ng impormasyon tungkol sa pagkahulog sa zipline ng biktimang si Paul Herbert Gaayon, binata, residente ng Purok 5, Bolinao Centro, Tabuk City, Kalinga.

Naganap ang aksidente sa isang resort sa Brgy. Bagumbayan, Tabuk City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS. Ford Wassig ng Tabuk City Police Station sinabi niya na dead on arrival sa ospital ang biktima matapos mahulog sa zipline.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon ng pulisya nabitawan ng biktima ang pagkakahawak sa zipline na nagresulta ng kanyang pagkahulog at pagbagsak sa safety net ngunit bumigay at napunit din ito dahil sa bigat ng kanyang katawan dahilan upang mahulog sa sementadong sahig.

Nasa walong metro ang taas ng zipline at walang safety harness bilang proteksyon ng mga magzizipline dahil tanging hawakan lamang at lalambitin ang mga gagamit at babagsak sa tubig.

Tiniyak naman ng PNP na patuloy ang kanilang imbestigasyon kung may pananagutan ang pamunuan ng resort sa nasabing pangyayari.

Ang bahagi ng pahayag ni PSMS. Ford Wassig .