
CAUAYAN CITY – Hindi maituturing na biktima ng red tagging ang nahuling ikaapat na nominee ng Anakpawis Partylist matapos silbihan ng kanyang warrant of arrest sa Bayombong, Nueva Vizcaya dahil sa patung-patong na kaso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Deputy Chief ng Provincial Community Affairs Development Unit (PCADU) ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), sinabi niya na vocal ang akusado sa pagiging miyembro ng Anakpawis at isang aktibista.
Matatandaang inaresto si Isabelo Adviento, mas kilala bilang Tang Buting, ikaapat na nominee ng Anakpawis Partylist sa isang food chain sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Si Adviento ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o iligal na pag-iingat ng mga baril na sakop din ng Republic Act 9516 at Republic Act 8294.

Aniya, ang operasyon ng mga pulis ay hindi lamang laban sa mga Communist Terrorist Group (CTGs) at iba pang makakaliwang grupo kundi dahil sa isinampang kaso laban sa akusado na iligal na pagdadala o pagmamay-ari ng baril at pampasabog.
Bukod dito ay nalalapit na rin ang eleksyon at isa ito sa ipinagbabawal.
Iginiit ni PMaj. Aggasid na matagal nang minamanmanan ng PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng NICA at AFP at ngayon lamang siya natyempuhan.
Nilinaw naman ni PMaj. Aggasid na ang mas nakakaalam o may hawak ng kaso ay ang Cagayan Police Provincial Office dahil doon naka-file ang kaso at sila lamang ang nagpatupad ng arrest warrant.
Aniya, ang tasking na lamang ngayon ng NVPPO ay ang mailipat ang akusado sa kanyang court of origin.
Tungkol naman sa mga alegasyon ng mga sumusuporta kay Adviento ay sa korte na lamang umano nila ito ipakita sakaling mayroon silang mga ebidensya upang maabswelto sa kaso.










