--Ads--

CAUAYAN CITY – Umaabot na sa 69.96% ang occupancy rate ng mga covid 19 beds ng mga provincial hospital sa lalawigan ng Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Infomation Officer Atty. Elizabeth Binag, sinabi niya na ang limang provincially managed hospitals sa Isabela ay mataas na ang occupancy rate ng covid 19 patients.

Kahapon ay nagtala ang lalawigan ng mahigit dalawang daang kaso ng Covid 19.

Nangunguna sa may pinakamaraming occupancy rate ng Covid 19 beds ang Milagros Albano District Hospital sa Cabagan na mayroong limampung covid 19 beds lamang ngunit nasa animnaput walo na ang kabuuang bilang nng covid 19 patients atu mga close contacts na nakaadmit o nakaisolate.

--Ads--

Ayon kay Atty. Binag,  naidagdag sa mga pasyente ang pagpositibo ng mga staff na batay sa kanilang datos nasa apatnapu na ang nagpositibo.

Pumangalawa ang Gov. Faustino N. Dy General Hospital na mayroong limampung bed capacity ngunit mahigit limampu na rin ang pasyenteng naka-admit at naka-isolate.

Sumunod ang Echague District Hospital na itinalaga bilang covid facility ng lalawigan na may limampung covid 19 beds ay mayroon na ring apatnaput walong okupado at dalawa na lamang ang natitira.

Pang-apat ang Cauayan District Hospital na may dalawamput limang covid 19 bed capacity ay labing siyam na ang okupado ng covid 19 patients.

Sumunod ang Manuel A. Roxas Hospital na may tatlumpung bed capacity at may labingsiyam na rin ang pasyenteng nag-okupa.

Nilinaw  ni Atty. Binag na ang mga pasyenteng naka-admit o naka-isolate sa mga nasabing ospital ay hindi lahat galing mismo sa kanilang bayan o lunsod kung saan naroon ang ospital dahil sa pamamagitan ng One Isabela Command Center ay ipinapadala ang mga pasyenteng nagpositibo sa mga ospital na may available covid 19 beds.

Bilang tulong sa dalawang provincial hospital na sumobra na sa bed capacity ay naghanda ang pamahalaang panlalawigan ng karagdagang pitong rooms na pwedeng mag okupa ng dalawampung pasyente.

Nagpalagay na rin sila ng mga tent sa labas ng ospital upang paglagyan sa mga pasyenteng hindi matatanggap sa mga rooms sa loob ng ospital.

Nilinaw ni Atty. Binag na hindi pa nagagamit ang mga tent sa ngayon bilang paglagyan ng mga pasyente dahil may ipinatayo ring bahay tibay o mga steelhouses ang pamahalaang panlalawigan na paglalagyan sa mga pasyente.

Aniya walang naitalang kakulangan sa suplay ng oxygen tanks sa mga nasabing ospital maging ang iba pang mga pangangailangan dahil patuloy sa pagbili ang pamahalaang panlalawigan ng mga suplay na ibibigay sa mga ito.

Samantala hinikayat ni Atty. Binag ang publiko na magpabakuna na  kontra covid 19 dahil mababa pa rin ang turn out ng Covid vaccination sa lalawigan.

Ang bahagi ng pahayag ni Provincial Infomation Officer Atty. Elizabeth Binag.