CAUAYAN CITY – Nakaantabay na ang Office of Civil Defense o OCD Region 2 sa mga posibleng emergency situations sa pananalasa ng bagyong Enteng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer II Sunshine Asuncion ng OCD Region 2 sinabi niya na nagsagawa na sila ng pagpupulong para sa updating sa mga DRRM Offices sa rehiyon.
Naka-standby na rin ang response assets ng mga rescue teams para sa isasagawang paglikas sa mga maapektuhang residente.
Inabisuhan na rin nila ang mga uniformed personnel mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at maging sa mga LGUs na bumuo ng humanitarian at disaster response teams kahit sa mga lugar na hindi gaanong maapektuhan ng bagyo.
Pangunahing minomonitor ngayon ng OCD ang mga low lying areas sa rehiyon na posibleng makaranas ng pagbaha na epekto ng malakas na pag-ulang dala ng bagyo.
Aabot sa 151 ang low lying barangay sa Isabela ang naitalang laging binabaha tuwing malakas ang pag-ulan habang sa Cagayan ay nasa apatnaput pitong barangay.
Labing limang barangay din ang posibleng mabaha sa bahagi ng Quirino Province at 145 na barangay naman sa Nueva Vizcaya.
Wala pa naman silang naitalang lumikas na residente bagamat patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga local DRRM offices para sa updates.
Pinaalalahanan naman niya ang mga residenteng nasa mabababang lugar at mga landslide prone areas na lumikas na kung kinakailangan upang makaiwas sa sakuna.
Maghigpit naman ang ginagawang pagsusuri ng OCD Region 2 katuwang ang iba pang ahensya upang matukoy ang pinsala na iniwan ng bagyong Enteng.
Samantala sinuspinde na ng ilang bayan at lungsod sa Isabela ang pasok sa paaralan dahil sa bagyong Enteng.
Kinabibilangan ito ng bayan ng Angadanan at Alicia, Isabela kung saan sinuspinde ang pasok ng mga mag-aaral mula pre-school hanggang kolehiyo habang sa Cauayan City ay sinuspinde naman ang pasok sa kindergarten hanggang grade 12.
Samantala hindi na rin madaanan ang Alicaocao overflow Bridge sa Cauayan City matapos malubog sa tubig baha.
Sa ngayon ay humupa na ang pag-ulan dito sa Cauayan City bagamat nararanasan pa rin ang maulap na papawirin.