Ipinag-utos na ng Office of Civil Defense Region 2 ang preemptive evacuation sa mga posibleng maapektuhan ng bagyong Kristine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alvin Ayson, Information Officer ng OCD Region 2 nanawagan sila sa mga local government na magpatupad na ng preemptive evacuation sa mga maapektuhang residente sa pananalasa ng bagyong Kristine.
Nagsagawa na rin ng Pre-Disaster Risk Assessment o PDRA ang OCD Region 2 katuwang ang mga Local Disaster Risk Reduction Management Council o LDRRMC sa Lambak ng Cagayan upang mapaghandaan ang posibleng banta ng bagyo.
Naglabas ng kautusan ang OCD Region 2 kaugnay sa mga panuntunan at polisiya na dapat sundin at ipatupad ng mga LDRRMC sa kanilang nasasakupan dahil batay sa pinakahuling ulat sa panahon ay malawak ang sakop at maaapektUhan ng bagyo sa bahagi ng Luzon.
Ipinag-utos na rin aniya ni OCD Regional Director Leon DG Rafael na tumatayo ring Chairman ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council ang agarang pagsasagawa ng pre-emptive evacuation sa mga lugar na madalas nagkakaroon ng pagguho ng lupa at pagbaha sa oras na maranasan ang malakas na pagbuhos ng ulan at pagbugso ng hangin na dala ng bagyo.
Patuloy naman din ang kanilang pakikipag-ugnayan para sa monitoring sa Magat Dam at sa mga paliparan sa rehiyon.
Kaugnay rito, tiniyak niya na nakahanda ang mga evacuation centers at mga food and non-food items na gagamitin sakaling may mga ililikas na residente.
Samantala, pinaalalahanan din nito ang publiko na maging alerto sa pamamagitan ng paghahanda ng mga pangunahing kakailanganin sa oras na manalasa ang bagyo tulad ng mga pagkain, gamot, tubig, at iba pa.