CAUAYAN CITY – Mula kahapon, isinailalim na sa Blue Alert Status ang Office of the Civil Defense (OCD) Region 2, kasabay ng activation ng Crisis Communication Cluster bilang bahagi ng paghahanda sa Bagyong Crising.
Ayon kay Information Officer Mia Carbonnel, nakapagtala na ang OCD ng 76 klase na suspendido sa buong Rehiyon Dos bunsod ng pagtaas sa Signal Number 1 sa ilang lugar sa hilagang bahagi ng Luzon.
Sa ngayon, patuloy ang pagtanggap ng OCD ng ulat mula sa iba’t ibang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) hinggil sa epekto ng sama ng panahon.
Tiniyak din ni Carbonnel na operational ang lahat ng backup telecommunication lines ng ahensya upang masiguro ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Patuloy ding binabantayan ng ahensya ang mga ilog sa buong Lambak ng Cagayan, kabilang ang Magat Dam at Buntun Water Bridge, bilang bahagi ng monitoring sa posibleng pagbaha.
Batay sa pinakahuling abiso ng DOST-PAGASA, napanatili ng Bagyong Crising ang lakas nito habang kumikilos sa karagatang silangan ng Aurora.
Kaninang alas-4 ng hapon, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 335 kilometro hilagang-silangan ng Virac, Catanduanes o 545 kilometro silangan ng Baler, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na hanggang 70 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang ilang bahagi ng Luzon, partikular sa mga lalawigan ng Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, hilagang bahagi ng Nueva Vizcaya at Aurora, Abra, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at ilang bahagi ng Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at hilagang bahagi ng La Union.
Kabilang din sa mga apektado ang Polillo Islands, Camarines Norte, hilagang bahagi ng Camarines Sur, at Catanduanes.
Batay sa track at forecast ng PAGASA, kikilos si Crising pa-hilagang kanluran sa susunod na 24 oras. Posibleng mag-landfall ito sa kalupaan ng Cagayan bukas ng gabi, Hulyo 18.
Pagkatapos nito, inaasahang tatawid ito sa hilagang bahagi ng Hilagang Luzon bago lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ng hapon, Hulyo 19.
Inaasahan ding lalakas si Crising bilang isang Tropical Storm ngayong gabi o bukas ng umaga, at maaaring umabot sa Severe Tropical Storm category sa Sabado.
Hindi rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na mas lumakas pa ito habang nasa Philippine Sea bago ito tumama sa kalupaan.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto, sundin ang mga abiso ng mga lokal na awtoridad, at iwasan ang paglalakbay sa mga lugar na maaring makaranas ng malakas na ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa.











