CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng Office of Civil Defense o OCD region 2 ang gaganaping Simultaneous Earthquake Drill sa Huwebes, ikawalo ng Hunyo, 2023.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Information Officer Michael Conag ng OCD region 2 na magsisimula ganap na alas nuebe ng umaga sa Huwebes ang simultaneous Earthquake Drill at ang magiging host sa ikalawang rehiyon ay ang LGU City of Ilagan kasama ang mga kawani ng isang kompanya ng softdrinks.
Sa panahon ng Earthquake drill o kapag nag-alarm na hudyat ng pagsisimula ng drill ay oobserbahan ang response plan at response capability ng mga kawani ng LGU Ilagan at mga kalahok sa panahon na may lindol.
Mayroon anyang scenario na infrastructure damage at casualty upang makita kung gaano kahanda ang mga kalahok kapag may lindol.
Ang mga paaralan at mga tanggapan ng pamahalaan ay naatasan na magsagawa ng response capability and response plan sa isasagawang simultaneous Earthquake Drill.
Ang Lunsod ng Ilagan ang napiling host ng simultaneous Earthquake Drill sa rehiyon dahil malapit sila sa nakitang faultline.
Napapadalas anya ang pagyanig sa mga coastal towns ng Maconacon at Divilacan dahil may nakitang faultline sa pagitan ng dalawang coastal town.
Pinag-aaralan ng PHIVOLCS ang sanhi ng madalas na pagyanig sa nasabing mga lugar.
Dapat anyang maging handa ang Region 2 dahil bukod sa mayroong faultline line ay mayroon ding anim na aktibong bulkan sa Region 2 kabilang ang mga bulkan sa lalawigan ng Cagayan at Batanes.