--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa red alert status na ang Office of Civil Defense (OCD) Region 2 at mahigpit na minomonitor ang super bagyong Henry dahil ang direksiyon niya ay pabulusok malapit sa dulong Hilagang Luzon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Michael Conag, operations head tagapagsalita ng OCD region 2 na patuloy din ang kanilang pagmonitor sa paghahanda ng mga coastal municipalities sa Batanes maging ang Babuyan at Calayan Island sa Cagayan.

Naka-red alert na sila sa Cagayan at Batanes at naka-deploy na ang kanilang mga response assets kaugnay ng magiging epekto ng bagyo sa dalawang lalawigan.

Ayon kay Ginoong Conag, mayroon nang naka-preposition na food at non-food items kasama ang mga partner agencies.

--Ads--

Ipinatupad na rin ang no sailing, no fishing at no swimming policy lalo na’t may gale warning.

Maigting nang nagbabantay sa mga coastal municipalities ang mga kasapi ng Philippine Coast Guard at Philipine Navy.

Simula kahapon, ang kanilang emergency operation center ay nakamonitor na sa galaw ng bagyo.

Sinabi ni Ginoong Conag na kapag may bagyo ay problema ang komunikasyon sa Batanes at coastal municipality tulad ng Calayan Island sa Cagayan kaya hiniling nila ang tulong ng mga  uniformed personnel sa pamamagitan ng kanilang VHF at UHF radios para malaman ang sitwasyon sa naturang mga lugar.

Paalala ni Ginoong Conag na patuloy na alamin ng publiko ang pinakahuling ulat tungkol sa bayo at maging mapagmatyag sa paligid at sumunod sa mga abiso ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO).