--Ads--

Itinaas ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 ang Red Alert Status kasabay ng pagtawid ng Bagyong Crising sa Northern Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OCD Region 2 Information Officer Mia Carbonel, sinabi niyang nagsagawa na sila ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) noong Hulyo 16, kasama ang DOST-PAGASA, DENR-MGB, mga PDRRMC, MDRRMC, at lokal na DRRMOs upang talakayin ang mga posibleng epekto ng bagyo, batay sa forecast ng PAGASA.

Matatandaang kahapon ay itinaas muna sa Blue Alert Status ang OCD Region 2 at in-activate ang Crisis Communication Cluster upang maisagawa ang mga pro-active na hakbang para sa tamang pagbibigay ng impormasyon sa media.

Isinagawa na rin ang pre-emptive evacuation sa mga lugar na posibleng daanan ng bagyo.

--Ads--

Tuloy-tuloy ang koordinasyon ng OCD sa mga DRRMC para sa monitoring ng mga lugar na naapektuhan ng masamang panahon, kung saan iniulat na umabot na sa pitong pamilya o 24 katao ang inilikas mula sa Aparri at Gonzaga, Cagayan.

Mahigpit din ang pagbabantay sa estado ng mga pangunahing kalsada sa Region 2 upang matiyak ang mabilis na access at maayos na paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar.

Samantala, kanselado na rin ang ilang mga biyahe sa mga paliparan sa Tuguegarao, Cauayan, at Batanes dahil sa masamang panahon.