
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagmonitor ng OCD Region 2 kaugnay sa Semana Santa kung saan inaasahan na ang pagdagsa ng maraming mamamayan at turista sa mga pook pasyalan tulad ng mga resort at mga ilog.
Matatandaang mula sa blue alert status ay itinaas ng OCD Region 2 sa Red Alert Status noong April 13 at magtatagal hanggang April 17.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michael Conag, Information Offcer ng OCD Region 2, sinabi niya na kahapon ay personal na nagtungo ang Chairman ng Council na si Director Leo Rafael Jr. sa iba’t ibang munisipyo kung saan nakaposisyon ang Public Assistance Help Desk ng OCD upang matiyak na naipapatupad ng tama ang mga dapat gawin ngayong semana santa.
Nagkaroon din ng pagpupulong ang OCD Region 2 katuwang ang iba pang council members at ni Gov. Dakila Cua ng Quirino Province upang matiyak ang kahandaan ng bawat munisipyo sa kanilang area of responsibility.
Ilang untoward incidents naman ang naitala ng OCD pangunahin na ang mga aksidente sa lansangan dahil madalas na ang pagbyahe ngayon ng mamamayan lalo na ang mga umuuwi sa probinsya mula sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Conag minor injuries lamang naman ang mga naitala at agad ding nabigyan ng assistance ang mga sangkot na motorista.
Samantala, isang drowning incident naman ang naitala sa Alannay, Lasam, Cagayan matapos na matagpuan ang 50-anyos na babae na wala ng buhay at palutang-lutang sa ilog.
Ayon kay Conag ang kanilang minomonitor ngayon ay ang mga lugar na ipinagbabawal na puntahan ng mga mamamayan lalo na ng mga nakainom na ng alak tulad sa mga ilog at sa mga coastal areas.
Pinaalalahanan naman niya ang mga mamamayan na mag-ingat ngayong Semana Santa lalo na ang mga magtutungo sa ilog na nasasakupan ng Magat Dam dahil nagbukas sila ng gate kahapon kaya iwasan ang pagtungo rito upang makaiwas sa hindi kanais-nais na pangyayari.










