CAUAYAN CITY – Patuloy ang monitoring ng Office of Civil Defense o OCD Region 2 sa nagaganap na pagbaha sa ilang lugar sa Cagayan dahil sa walang tigil na mga pag-ulan dulot ng shearline o tail-end ng frontal system.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Defense Officer Dan Michael Villamil ng OCD region 2 na batay sa kanilang monitoring nakakaranas ang Northern Section ng Cagayan ng mga katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Nakatanggap sila ng ulat na nagkaroon ng pagbaha sa barangay Masi, Pamplona, Cagayan makaraang nagbara ng kanilang mga kanal ngunit agad namang bumaba ang antas ng tubig.
Sinabi pa ni Ginoong Villamil na ang Palauig Detour Bridge sa Santa Ana, Cagayan ay mga light vehicles lamang ang maaaring dumaan.
Sa D. Leaño, Claveria, Cagayan ay one lane passable ang lansangan dahil sa pagguho ng lupa.
Sinabi pa ni Defense Officer Villamil na sa ngayon ay nakaalerto ang mga lokal na pamahalaan sa Cagayan dahil sa mga nararanasang pag-ulan na nagsimula noong araw ng Martes, ikasiyam ng Nobyembre.











