--Ads--

Ikinuwento ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang naging karanasan niya sa naganap na malaking sunog sa Hong Kong.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Mercy Osoteo, nakatira sila ng kanyang mga amo sa 23rd floor ng Building 1 ng walong magkakadikit na gusali sa Wang Fuk Court housing complex sa Tai Po District, Hong Kong.

Nagsimula umano ang sunog sa ibabang bahagi ng Building 6, kaya malapit lamang sila sa pinagmulan ng apoy dahil magkakadikit ang mga gusali. Wala na umano siyang nagawa para isalba pa ang kanilang mga gamit dahil kung pilitin niyang bumalik at gamitin ang elevator ay maaaring ma-trap siya rito.

Pinayuhan na lamang umano siya ng kanyang amo na manatili sa ground floor at hintayin na maapula ang sunog dahil ang kanilang gusali ang pinakahuling nilamon ng apoy.

--Ads--

Ayon sa kanya, napakabilis ng pagkalat ng apoy dahil sa mga bamboo scaffolding at safety net na nakapalibot sa mga building bilang bahagi ng isinasagawang renovation.

Isang Pilipino rin ang naiulat na na-trap sa isang kuwarto, ngunit agad naman itong nasagip ng mga awtoridad bago pa tuluyang lamunin ng apoy ang kanilang gusali.

Karamihan sa mga residenteng na-trap ay mga elderly na hirap makababa at agad makalikas mula sa nasusunog na building.

Labis naman ang kanyang pasasalamat na ligtas sila ng kanyang inaalagaang 95-anyos na lola, bagama’t wala silang naisalbang gamit maliban sa kanyang bag na naglalaman ng passport, mahahalagang dokumento, at mga gamot ng matanda.

Samantala, ilan pa niyang kapwa Pilipino sa lugar ang wala ring naisalbang gamit kahit mahahalagang papeles dahil inuna nilang iligtas ang kanilang mga pinaglilingkurang employer palabas ng building.

Nagpasalamat din sila sa OWWA Hong Kong at sa mga solo parent na miyembro ng Hong Kong Chapter at iba pa niyang kakilala dahil sa agarang pagbibigay ng tulong.