CAUAYAN CITY – Isa pang Overseas Filipino Worker (Ofw) mula sa Kuwait ang nasawi ngunit hindi kontrobersiyal ang pagkamatay tulad ng Ofw na si Constancia Dayag ng Angadanan, Isabela na sinasabing pinatay sa pambubugbog at pang-aabuso.
Ang bangkay ng Ofw na si Salve Lee Zilabbo ay idinating alas dos madaling araw noong Sabado sa isang punerarya sa Echague, Isabela mula sa Maynila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Constantino Zilabbo ng Salvacion, Echague, Isabela na ang kanyang misis na 29 anyos ay namatay sa sakit.
Naniniwala siya na ito ang sanhi ng pagkamatay ng asawa dahil inatake siya ng kanyang mataas na presyon ng dugo nang minsang nag-usap sila sa video call.
Idinaing aniya ni Salve Lee ang pananakit ng kanyang ulo at pagduduwal ngunit hindi siya nadala sa ospital dahil wala ang kanyang amo.
Huli silang nag-usap noong buwan ng Pebrero 2019 at sinabi maayos na ang kanyang kalagayan matapos muling atakehin ng sakit.
Ayon kay Ginoong Zilabbo, noong hindi pa nagpunta sa ibang bansa ang kanyang misis ay tinutulungan siya sa kanyang pagsasaka dahil siya ay masipag at ayaw na walang ginagawa
Pumasa naman siya sa kanyang medical exam bago nagtungo sa Kuwait.
Nagpasalamat si Ginoong Zilabbo sa mga ahensiya ng pamahalaan na tumulong sa kanila para maiuwi ang bangkay ng kanyang asawa.
May tatlong anak ang mag-asawa na nasa edad siyam, anim at tatlo na pawang babae.